Isang 45-anyos na lalaki ang naglilibot-libot sa Sri Jaya night market sa Pahang, Malaysia. May dala itong paper bag at nanlilimos sa mga dumadaan dito.
Nang magsagawa ng pagsusuri ang mga opisyal ng Social Welfare Department sa lugar, nadatnan nila ang lalaki.
Noong una, akala ng social workers na pipi at bingi ang pulubi dahil hindi ito sumasagot sa kanila.
Gayunman, hindi nila tinigilan ang lalaki at hiningian pa rin ito ng identification (ID) card.
Nasorpresa sila nang biglang magsalita ang lalaki at sinabing naiwan niya raw sa kotse ang kanyang ID.
Mas nagulat sila nang makita nilang Proton X70 ang sasakyan ng pulubi. Isa itong premium sport utility vehicle (SUV) na tinatayang nagkakahalaga ng P1.5 million.
Inamin ng lalaki na kumikita siya ng higit sa P6,000 kada araw sa panlilimos. Nakakakuha pa siya ng P5,600 monthly allowance mula sa Social Welfare Department dahil isa siyang person with disability (PWD).
Ginagamit niya ang nakukuhang limos at allowance bilang pambayad sa car installment at para na rin sa pang-araw-araw niyang pangangailangan.
Hindi na inireklamo ng social workers ang lalaki dahil first offense niya ito sa distrito, ngunit sinabihan siyang tigilan na ang panlilimos.
Bagama’t kailangan nating mag-ingat sa binibigyan natin ng limos, dapat pa rin nating panatilihing bukas ang ating mga puso sa pagtulong dahil sa kabila ng mga panloloko, marami pa rin ang tunay na nangangailangan.