Kung anong pag-aalala ng cat owner na si Carrie nang madiskubreng nawawala ang kaniyang alaga, ay siya ring gulat niya nang malaman na nakarating pala ito sa isang lugar na milya-milya ang layo sa kanila.
Kung paano ito nangyari, alamin.
April ngayong 2024 nang bigla na lang mawala ang anim na taong gulang na alagang pusa ni Carrie Clark na si Galena na may breed na American shorthair.
Kung kaya naman nagpaskil si Carrie sa kanilang lugar sa Lehi, Salt Lake City, Utah, USA ng “missing cat” posters upang mapadali ang paghahanap dito.
Makalipas ang ilang araw, bigla na lamang may veterinarian mula sa Riverside, California na tumawag kay Carrie at nagsabing nakita nito si Galena.
Noong una ay inakala pa ni Carrie na prank call lamang ito dahil paano nga naman makakarating ang pusa sa California samantalang 500 miles ang layo nito mula sa kanilang tirahan.
Ngunit, nagsasabi pala ng totoo ang caller at ang dahilan kung bakit niya natagpuan si Galena ay dahil pumasok pala ito sa isang 3-by-3 foot cardboard Amazon returns package na may laman na limang pares ng boots at napasama sa warehouse sa California.
Hindi nagsayang ng oras si Carrie at ang kaniyang asawa at agad na nagtungo sa California upang kunin si Galena sa clinic ng veterinarian na tumawag sa kaniya.
Nang alalahanin naman ni Carrie kung paanong napasama ang pusa sa package, naisip niya na baka pumasok ito habang nagpa-pack ang kaniyang asawa at siya naman ay kumuha ng tape para selyuhan ito.
Gayunpaman, sa tulong ng Amazon employee na si Brandy Hunter ay nadala sa veterinary si Galena, habang ang veterinarian naman ay nadiskubre kung sino ang owner nito dahil sa nakasabit na microchip sa pusa.
Pinaalalahanan naman ni Carrie ang ibang pet owners na lagyan din ng microchip ang kanilang mga alaga upang madali itong mahanap kung sakaling ito ay mawala.
Ikaw, anong masasabi mo sa kakaibang adventure na ito ng pusa na si Galena?