Isang radio commentator ang patay matapos pagsasaksakin sa Butuan City.
Kinilala ng National Union of Journalists of the Philippines o NUJP ang biktimang si Francisco Patindol ng DXJM station.
Ayon kay Police Regional Office-13 Director, Brig. Gen. Gilbert Cruz, nasa photocopying center sa Narra Road sa Barangay Society si Patindol kasama ang iba pang ka-trabaho nang maganap ang insidente.
Dead-on-arrival si Patindol sa MJ Santos Hospital bunsod ng mga natamong saksak sa kaliwang dibdib.
Nakatakas naman ang suspek na kinilalang si Ola Saransamen na lasing nang maganap ang insidente.
Bagaman inaalam pa ang motibo sa krimen, nilinaw ng pulisya at NUJP na walang kinalaman ang krimen sa trabaho ni Patindol bilang mamamahayag.