Ipinag-utos na ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi ang pagsasailalim sa labinlimang araw na Extreme Localized Community Quarantine (ELCQ) ng Unira Compound sa Barangay Tunasan.
Batay ito sa rekomendasyon ng City Health Office bunsod ng naka-aalarmang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa nabanggit na lugar.
Epektibo ang ELCQ simula alas-12 ng tanghali kahapon hanggang Setyembre 13.
Halos 200 ang residente ng Unira Compound at mayroong mga high-risk group na kinabibilangan ng walong senior citizens, apat na persons with disability, isang buntis at 21 bata.
Nakapagtala ng case clustering sa lugar at mataas na attack rate na 301.50 per 10,000 population at inaasahang aabutin lamang ng tatlong araw bago mag-doble ang mga kaso.
Sa ngayon ay mayrooon ng anim na COVID-19 cases sa Unira Compound kaya’t maglulunsad na rin ng mass testing at contact tracing ang city health office. —sa panulat ni Drew Nacino