Maaaring pagmultahin o tanggalan ng prangkisa ang Maynilad at Manila Water kapag hindi pinagbuti ang kanilang serbisyo.
Ito ang babala ni Senate Committee on Public Services Chairperson Grace Poe sa gitna ng nararanasang water interruptions sa ilang bahagi ng Metro Manila at mga reklamo hinggil dito.
Ipina-alala ni Poe na obligasyon ng mga water concessionaire na magbigay ng alternatibong supply kapag may naka-schedule na water interruption.
Batay anya sa revised concession agreement para sa Maynilad at Manila Water, maaaring tapusin ang kanilang kontrata kapag labinlimang sunud-sunod na araw ay hindi nagpadaloy ng required na pressure ng tubig sa loob ng 24 oras.
Ipinunto ng senador na hindi anya dapat payagan ang pagpapalusot ng mga nabanggit na water concessionaire sa pamamagitan ng pagbabalik ng daloy ng tubig sa ika-labinlimang araw kung puputulin din matapos ang ilang araw.
Samantala, hiningi naman ni Poe ang resulta ng imbestigasyon ng MWSS sa water interruptions sa Maynilad service area.