Patay ang isang senior citizen matapos sumiklab ang sunog sa Kalayaan Talipapa Market sa Barangay Guadalupe Nuevo sa Makati City.
Ayon kay Eduardo Labrador, Senior Inspector ng Bureau of Fire Protection (BFP), kinilala ang nasawing matanda na si Mely Mensas, 76-taong gulang na na-trap sa loob ng isang simbahan na nasa upper floor ng palengke.
Nailigtas naman ang isang batang babae na nawalan ng malay na agad isinugod sa ospital.
Dakong alas-4 ng madaling araw kanina nang maganap ang sunog na umabot sa ikalawang alarma at naapula dakong alas-6:03.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng BFP sa sanhi at halaga ng pinsala ng sunog. – sa panulat ni Abigail Malanday