Patay ang isang senior citizen sa pagsiklab ng sunog sa isang residential area sa Mandaluyong City, pasado alas tres kaninang madaling araw.
Batay sa ulat, nagsimula ang sunog sa bahagi ng Nuebe De Pebrero street sa Barangay Mauway.
Mabilis na kumalat ang sunog hanggang sa madamay na rin ang mga kabahayan sa Correctional Road na sakop naman ng katabing barangay na Addition Hills.
Pasado 3:45 a.m. kaninang madaling araw nang i-akyat sa task force bravo ang alarma sa sunog bago tuluyang naapula kaninang 5:40 a.m.
Tinatayang nasa 200 kabahayan o 350 pamilya ang naapektuhan ng sunog.
Patuloy namang iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sanhi ng sunog at kabuuang halaga ng pinsala nito.
Ito na ang ikalawang sunog na naganap sa Barangay Addition Hills sa loob ng isang linggo matapos namang matupok ng apoy ang nasa 800 kabahayan sa Block 37 nitong Lunes, Hunyo 1.