Nanganganib mapatapon palabas ng bansa ang isang kilalang vlogger at social media influencer matapos madawit sa pagbebenta at pag-eendorso ng cosmetic products na walang certification mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Ang vlogger ay kinilalang si Winnie Wong alias Penelope Pop.
Sa kanilang sulat kay Atty. Ronaldo Ledesma, chairman ng board ng special inquiry ng bureau of immigration ipinabatid ng grupong action for consumerism and transparency na si Wong ay isang Taiwanese national na ang tunay na pangalan ay Yun-I Wang.
Si Wong ay sinasabing nakatira sa Pilipinas gamit ang special investors residence visa na nangangahulugang bawal itong magtrabaho bilang endorser at bawal ding magbenta ng retail products tulad ng cosmetics.
Nabuko ng FDA si Wong na nagbebenta ng pabangong pouf ng walang permiso o testing mula sa FDA na nagsabing posibleng naglalaman ng heavy metals na delikado sa kalusugan ang naturang pabango.
Una nang nagbabala ang FDA sa publiko na huwag bumili ng nasabing pabango.