Nahaharap ngayon sa tensyon ang isang siyudad sa India matapos brutal na patayin ng dalawang Muslim ang isang lalaking Hindu, na kinunan pa ng video at ipinakalat online.
Ayon sa mga opisyal ng Western City ng Udaipur sa Rajasthan, ipinatupad na ang curfew sa buong lugar at i-blinock ang internet access dahil sa pagkalat ng video.
Sa nasabing video, nagpanggap na customer ang dalawang lalaking muslim sa patahian ni Kanhaiya Lal.
Pero inatake na nila ang biktima habang kinukuha nito ang sukat ng kanilang katawan para sa paggawa ng damit.
Dahilan ng pag-atake ang social media post ni Lal na sumusuporta sa dating spokesperson ng Bharatiya Janata Party, na gumawa ng kontrobersiyal na komento laban kay Prophet Muhammad.
Sa ngayon, naaresto na ang dalawang suspek na isinasailalim sa imbestigasyon.
Nakakalat na rin ang mga pulis sa lansangan ng Udaipur para pigilan ang anumang gulo sa pagitan ng Hindu at Muslim.