Isang sub-leader ng Abu Sayyaf na sangkot din sa iligal na droga ang patay makaraang manlaban sa pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya sa inilunsad na anti-illegal drugs operation sa Tawi-Tawi.
Kinilala ni Maj. Gen. Carlito Galvez Junior, commander ng AFP-Western Mindanao Command, ang suspek na si Buchoy Hassan, alyas Black o Bocoi, 48 anyos.
Isinagawa ang operasyon sa pangunguna ng Joint Task Force Tawi-Tawi at Provincial Police Office sa bahay ni Hassan sa Barangay Panglima Alari, sa bayan ng Sitangkai.
Kabilang sa mga narekober mula sa suspek ang isang M16 rifle at 5 speedboats.
Isa si Hassan sa mga wanted person sa Malaysia dahil sa pagkakasangkot nito sa pagdukot sa Taiwanese na si Chang An Wei, alyas Evelyn Chan sa Pom-Pom Island Resort sa Sabah, noong November 2013.
By Drew Nacino