Patay ang isang sub leader ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Zamboanga City.
Nabatid na pinasok ng mga otoridad ang safehouse ng nasabing ASG sub leader, alas-3 ng madaling araw at makipagbarilan si Arrasid Adjing Halissam, alyas “Guru Ara” sa mga pulis na magsisilbi sa kanya ng warrant of arrest para sa kasong illegal possession of firearms and explosives.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Debold Sinas, si Halissam na miyembro ng Dawlah Islamiyah ay kabilang sa planong paghahasik ng lagim sa Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi.
Sinabi ni Sinas na nang mapatay si Hapilon sa Marawi City noong 2017, lumipat si Halissam sa napatay na ring ASG leader Hatid Hajan Sawadjaan.
Kasama si Halissam sa mga insidente ng pagdukot at pamumugot simula noong 2009 hanggang 2012, gayundin sa mga insidente ng pambobomba kabilang ang Jolo Cathedral bombing noong 2019 at ang pinakahuli ay ang twin suicide bombing sa Jolo din noong nakalipas na Agosto.