Nasa kritikal na kondisyon ang isang taong gulang na babae sa Ospital ng Makati matapos tamaan ng ligaw na bala sa ulo na resulta ng pamamaril sa isang lalaking nasa drug watchlist.
Naglalaro lamang sa tapat ng food stall ng kanyang nanay ang biktimang si Sophia Alexa Camilon sa Barangay Kasilawan nang huminto ang isang lalaking lulan ng itim na motorsiklo, pasado ala 5:00 ng hapon noong lunes.
Ayon kay Senior Supt. Gerardo Umayao, hepe ng Makati City Police, target ng salarin si Jerome Fransisco, 26 anyos na noo’y kumakain sa naturang stall sa kanto ng Cagayan at Fransisco Streets.
Dead-on-the spot si Fransisco na napag-alamang kabilang sa drug watch list ng barangay habang tinamaan ng ligaw na bala sa ulo si Camilon dahilan upang isugod ito sa Santa Hospital sa Maynila at kalauna’y dinala sa Ospital ng Makati.
Aminado naman si Umayao na hirap sila sa pag-iimbestiga dahil bukod sa hindi gumana ang CCTV camera ay naka-helmet ang salarin noong araw na maganap ang krimen.