Most valuable player o MVP in the making kung tawagin ng netizens ang isang taong gulang na bata dahil sa galing nito sa basketball!
Sa viral video, makikita kasi ang bata na ilang beses na naka-shoot habang naglalaro sa kanyang kwarto.
Ayon sa ina ng bata at uploader ng video na si Jezzel Liwanag, nagulat sila ng asawa niyang si Mark Anthony nang makitang nakaka-shoot ang anak nilang si Markus dahil malilliit na laruan ang kadalasan nitong nilalaro.
Kahit medyo malayo ang distansya, nakaka-perfect shot pa rin si baby Markus. Pinaulit-ulit niya pa ito, at lahat, na-shoot!
Naniniwala ang ina ni Markus na nagmula ang skills ng kanyang anak sa ama nitong basketball player. Magkasama pang nanonood ng PBA (Philippine Basketball Association) at NBA (National Basketball Association) games ang mag-ama.
Pinuri naman ng netizens ang ipinakitang suporta ng mga magulang ni Markus sa kanya.
Ayon kay Jezzel, kung basketball talaga ang kahihiligan ng anak paglaki nito, susuportahan nila itong mag-asawa. At kapag magtuloy-tuloy ito, hindi imposibleng maging MVP nga si Markus sa hinaharap.