Sinong mag-aakala na dahil lamang sa isang kendi ay magtatapos ang buhay ng isang tatlong taong gulang na bata sa San Jose City Nueva Ecija pati na rin ang pangarap para sa kaniya ng kaniyang pamilya?
Kung paano ito nangyari, alamin.
Sa isang tila normal na araw, pinagbigyan ang tatlong taong gulang na si Harvey na sumama sa kaniyang ama na si Christian matapos nitong umiyak dahil sa kagustuhan na sumama rito sa tindahan.
Habang nasa tindahan ay nagpabili si Harvey ng dalawang kendi sa kaniyang ama, kung saan maya-maya lang ay nagulat ang ama nang makita ang bata na namumutla, hindi makahinga, at namumula na ang mga mata dahil nabilaukan na pala ito.
Agad namang sinubukan ni Christian na mailabas ang kendi ngunit hindi ito tumalab kung kaya naman humingi na ito ng tulong.
Nagawa ng sumaklolong residente na si Dayanara na ilabas ang kendi mula sa bibig ni Harvey pero may isa pa palang kendi na bumara sa lalamunan nito.
Agad namang dinala sa ospital ang bata at sinubukang i-revive ngunit hindi nagtagal ay inirekomenda rin ng doktor na ilipat ito sa mas malaking ospital.
Ngunit habang nasa byahe papunta sa pangalawang pagamutan ay nawalan ito ng heartbeat bagama’t agad ding naisalba dahil binigyan ito ng CPR, at pagdating sa ospital ay idiniretso agad ito sa Intensive Care Unit dahil sa pagdurugo ng baga.
Ang kinain ni Harvey na isa palang gummy candy ay napunta sa kaniyang baga at naubusan din siya ng oxygen sa kaniyang utak, dahilan upang hindi ito na magising.
Panandalian pa raw bumuti ang lagay ng bata pagpatak ng gabi ngunit makalipas lamang ang ilang oras ay nagpakita na ito ng hindi magandang senyales at tuluyang namaalam sa murang edad.
Gayunpaman, wala nang nagawa ang mga magulang ni Harvey kundi palayain ang kanilang anak kahit na gaano pa ito kasakit at nakapanghihinayang sa kanila lalo na at masyado pa itong bata at ngayon lamang sila nabigyan ng pagkakataon na bumawi sana sa kanilang mga anak dahil ngayon lamang sila nakaaahon sa buhay.
Ikaw, ano ang masasabi mo sa masalimuot na pangyayari na ito?