Kilala ang tribong Mundari mula sa South Sudan sa East Africa bilang “Cow Tribe” dahil malaki ang bahagi ng mga baka sa kanilang pamumuhay.
Bukod sa nakatira ang tribo kasama ang libu-libong baka, ginagamit din nila ang mga ito para sa pagkain, kalakalan, dowry, at iba pa.
Ngunit hindi lamang ito ang pakinabang ng mga baka para sa kanila dahil ginagamit din nila ang ihi nito bilang shower o panligo!
Katulad ng maraming tribo sa rehiyon, simbolo ng kayamanan at kapangyarihan ang mga baka para sa mga Mundari. Subalit ito rin ang pinagmumulan ng alitan sa kanila.
Sa katunayan, gumagamit pa sila ng baril para lamang protektahan ang kanilang mga baka mula sa mga magnanakaw.
Ginagamit naman ng mga Mundari ang ihi ng baka bilang panghugas sa kanilang mukha, kamay, at maging sa kanilang mga ngipin dahil naniniwala silang antiseptic ito o panlinis.
Nakatutulong din ang uric acid na matatagpuan sa ihi na magbigay sa kanila ng kulay pula, orange, o dilaw na buhok na para sa kanila ay maganda.
Bukod sa ihi, ginagamit nila ang dumi ng baka bilang panlinis at sunscreen. Susunugin nila ang mga dumi at ipapahid ang abo nito sa kanilang katawan.
Sumasalamin ang paraan ng pamumuhay ng tribong Mundari sa kanilang malalim na koneksyon sa kalikasan. Kakaiba man ito para sa atin, ngunit para sa kanila, ito ang kanilang kultura na patuloy nilang ipepreserba at iingatan.