Hindi napigilan ng mga netizen na ilabas ang kanilang galit sa nag-viral na video ng isang insidente sa Pangasinan kung saan nagtamo ng maraming sugat ang pusa.
Kung ano ang buong nangyari, alamin.
Umani ng mahigit 32k angry reactions sa social media ang post ng uploader na si Ken Oriondo kung saan makikita ang isang tricycle sa Malasiqui, Pangasinan na mayroong kabilisan ang pagtakbo habang nakatali sa likuran nito ang isang pusa.
Makikita na noong una ay nagagawa pang tumakbo at makasabay ng pusa sa pag-andar ng tricyle kahit nahihirapan na ito, ngunit hindi nagtagal ay tuluyan na itong nakaladkad.
Maririnig din sa video ang maraming beses na pagtawag ng uploader sa pansin ng tricycle driver upang tanungin kung ano ang ginagawa nito sa pusa at para pahintuin ito.
Sumaklolo naman ang pamunuan ng barangay sa pinagganapan ng insidente at binigyan ng first aid ang pusa dahil sa tinamo nitong mga sugat.
Ayon naman sa kagawad ng Brgy. Gomez na si Brian Dave Austria, nakapanayam na nila ang pitumpu’t isang taong gulang na tricycle driver at katwiran nito ay mahina na raw ang kaniyang pandinig at sinabi na hindi niya alam kung paano napunta ang pusa sa kaniyang tricycle.
Ngunit sa sumunod na interview dito, inamin nito na siya nagtali sa pusa, kung saan humingi na rin ito ng tawad at sinabi na gusto lang daw niyang iligaw ang pusa dahil sa perwisyong dala nito dahil sa pangangalmot. Dagdag niya pa, hindi niya alam na brutal ang kaniyang ginawa, ngunit hindi niya raw intensyon na parusahan ang nasabing pusa.
Dahil sa insidente, muling nagbigay ng paalala ang PAWS na direktang i-report sa kanila ang mga ganitong klase ng mga kaso.
Kasalukuyan nang nasa pangangalaga ng isang veterinary ang pusa, habang ang driver ay maaaring humarap sa kaukulang reklamo.
Ikaw, ano ang gagawin mo kung ikaw ang makasaksi ng ganoong klase ng insidente?