Mayroong isang uri ng palaka na muling nabubuhay kahit mistula na itong patay.
Ito ang tinatawag na wood frog, isang uri ng amphibian na kusang nagyeyelo sa loob ng anim hanggang walong buwan kada taon upang maka-adapt sa malamig na klima.
Sa pagsisimula ng taglamig, agad na napupuno ng yelo ang abdominal cavity o tiyan ng wood frogs. Bumabalot ito sa lamang-loob ng palaka.
Kasabay nito, nagpro-produce ng maraming urea at glucose ang atay ng wood frog. Magsisilbi ang mga ito bilang antifreeze substance upang mapigilan ang dehydration at pag-freeze ng cells ng mga palaka.
Dahil tumigil na ang paghinga at pagtibok ng puso ng wood frog, aakalaing patay na ito, kahit ang totoo, nasa hibernation state o mahabang pagtulog lang ito.
Pagdating naman ng tagsibol, matutunaw na ang palaka. Unang gagana ang puso nito, kasunod ng utak, at sa kalaunan, ang mga binti.
“Biological miracle” kung ituring ang pagyeyelo ng wood frogs na ginagawa ito upang protektahan ang kanilang sarili mula sa taglamig. Patunay ito sa kamangha-manghang kakayahan ng mga hayop na manatiling buhay at ligtas sa kabila ng matinding hamon ng kalikasan.