Nasunog ang isang imbakan ng gulay sa bahagi ng Quirino Avenue, kanto ng Victor Medina St. Sa Brgy. San Dionisio, Parañaque City kaninang umaga.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection – National Capital Region o BFP – NCR, nagsimula ang sunog dakong 9:42 ng umaga at umakyat lang sa unang alarma.
Dahil sa sumapat naman ang bilang ng mga bumbero na rumesponde sa sunog ay nagawa itong apulahin matapos ang isang oras at idineklarang fire out pasado 11 kaninang umaga.
Patuloy ang isinasagawang mopping up operations ng mga tauhan ng BFP habang iniimbestigahan pa kung magkano ang naging pinsala at kung saan nagmula ang apoy.
Nagdulot naman ito ng pagbigat ng daloy ng trapiko matapos isara ang panulukan ng Quirino Avenue at Victor Medina na mas kilala bilang kabihasnan dahil sa insidente.