Nakatakdang magtayo ang gobyerno ng moderno at pang-world class na airport sa Zamboanga City.
Sa pagbisita sa lungsod, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na abala na ang Department of Tourism o DOT sa pagpaplano, gayundin ang mga eksperto sa pag-aaral kung ano ang magiging epekto ng nasabing proyekto sa mga taga-Zamboanga at maging sa kalikasan.
Ipinabatid din ni Roque na posibleng matapos ang konstruksyon ng paliparan sa loob ng apat hanggang limang taon.
Sa kasalukuyan, batay sa tala ng DOT kabilang sa top 10 ang Zamboanga Airport na pinakaabalang paliparan sa bansa na may isang milyong biyahero.
Una na rito na inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang kagustuhang isulong sa iba’t ibang panig ng bansa ang malalaking imprastraktura upang makinabang ang lahat ng mga Pilipino.
—-