Ikinakasa na ng Department of Justice (DOJ) ang mga isasampang kaso laban kay Senator Leila de Lima.
Ginawa ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang pahayag matapos ang dalawang araw na pagdinig sa Kongreso ukol sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison o NBP kung saan itinuturong nakinabang si De Lima.
Ayon kay Aguirre, may mga natiktikan na silang mga personalidad na maraming salaping naka-deposito sa bangko.
Isa umano rito ay umabot sa 500 milyong piso ang pumasok sa bank account sa loob lamang ng isang taon.
Kaugnay nito, inamin ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na hindi pa nangangalahati ang imbestigasyon nila kaugnay sa illegal drug trade sa NBP o New Bilibid Prison.
Sa katunayan, sinabi ni Aguirre na 45 porsyento pa lamang ang natapos kasunod ng dalawang araw na pagdinig ng Kamara sa naturang usapin.
Ayon kay Aguirre, itinuturing nilang pinakamalaking pasabog ang gagawin ni Jaybee Sebastian kapag humarap ito sa House hearing.
Mayroon na aniya silang emisaryo na nakikipag-usap kay Sebastian para lumutang sa pagpapatuloy ng pagdinig sa susunod na linggo.
Bank accounts
Tiwala din si Justice Secretary Vitaliano Aguirre na mapapasakamay nila ngayong araw na ito mula sa Anti Money Laundering Council kaugnay sa pinasisilip nilang mga account na umano’y pinaglagyan ng drug money.
Nilinaw ni Aguirre na hindi kasama sa mga pinasisilip nilang account yung kay Senador Leila de Lima na aniya’y tiyak namang hindi gagamitin ang sariling account para paglagakan ng drug money na ginamit umano nito sa kandidatura sa nakalipas na eleksyon.
Partikular na pinasisilip ng DOJ ang bank accounts ng mga taong malalapit kay De Lima.
By Jelbert Perdez | Judith Larino