Nakatakdang pagpulungan ng Comelec En Banc ang ilang mga obserbasyong lumutang sa isinagawang simulation para sa barangay at SK o Sangguniang Kabataan elections.
Ito’y makaraang lumabas sa ginawang simulation sa Rosauro Almario elementary school sa Tondo, Maynila kahapon ang kalituhan sa mga gagamiting balota.
Lumahok sa isinagawang simulation kahapon ang dalawang barangay kung saan, naglagay ng mga express lane para sa mga senior citizens, PWD’S o Persons With Disabilities at mga buntis.
Pero hindi napag-hiwalay agad ng mga boi o board of election inspectors ang mga balota na nahati sa tatlong set kung saan, bibigyan ng balota para sa SK elections ang mga may edad labing pito pababa.
Pero makatatanggap naman ng dalawang balota para sa Barangay at SK elections ang mga botante na may edad labing walo hanggang tatlumpung taong gulang.
Habang makatatanggap lamang ng balota para sa barangay elections ang mga may edad tatlumpu’t isang taong gulang pataas.
Subalit sa kabila ng mga nakitang kalituhan, naging matagumpay naman sa pangkalahatan ang isinagawang mock voting para sa naturang halalan.