Welcome sa Department of Health (DOH) ang isinasagawang imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) at Public Attorney’s Office (PAO) sa mga kaso kaugnay sa dengue vaccine na dengvaxia.
Ayon kay Health Secretary Duque, handa silang tumulong sa DOJ at PAO sa paghahanap ng katotohanan.
Sa ngayon aniya ay nakatutok ang DOH sa mga isyu na may kaugnayan lamang sa pinangasiwaang dengue school-based immunization program ng kagawaran sa mahigit walongdaang libong (800,000) mga bata simula noong Marso 2016.
Magugunitang pinulong ng DOH ang isang independent panel of experts upang pag-aralan ang mga panibagong ebidensya kaugnay sa dengvaxia na resulta ng 5-year observation period sa clinical trials.
Nakipag-tulungan din ang kagawaran sa Philippine General Hospital (PGH) upang magsagawa ng independent review ng medical charts ng mga batang posibleng nakaranas ng negatibong epekto ng bakuna o mga namatay dahil sa severe dengue matapos bakunahan.