Minaliit ng Malacañang ang plano ni Senador Bongbong Marcos na gumawa ng substitute bill para sa Bangsamoro Basic Law (BBL).
Ayon kay Communications Secretary Sonny Coloma, sariling diskarte at opinyon ito ni Senador Marcos at hindi pananaw ng lahat ng mga senador.
Iginiit ni Coloma na bagamat iginagalang nila ang trabaho ng mga mambabatas na busisiin ang BBL upang tiyaking na aayon ito sa Saligang Batas, sigurado anya sila na papasa sa konstitusyon ang BBL dahil mismong ang mga nagpanday ng Saligang Batas ay sumasang-ayon sa mga probisyon ng BBL.
“Iisa po siya sa 23 miyembro ng senado, lahat naman po sila boboto sa panukalang batas na yan, andun pa lang sila sa yugto ng pagpre-present ng committee report, kaya hintayin na lang po natin, iginagalang po natin ang kanyang opinion at marami pa pong ibang opinion hinggil diyan.” Ani Coloma.
Economic Cha-Cha
Iginagalang ng Malacañang ang pasya ng House of Representatives na isantabi ang botohan para sa Economic Cha Cha.
Kasabay nito ay nilinaw ni Communications Secretary Sonny Coloma na hindi naman administration bill ang Economic Cha Cha.
Gayunman, ipinahiwatig ni Coloma na umaani na ng maraming suporta ang Economic Cha Cha kumpara sa mga nagdaang kongreso, patunay dito ang maraming bilang ng mga kongresista na dumalo sa pagdinig.
Una rito, inamin ni House Speaker Feliciano Belmonte na kapos sila sa numero kaya’t nagpasya na lamang silang iurong ang botohan.
“Nakapag-master naman sila ng mataas na numero para sa quorum. Iginagalang namin ang pagpapasya nila, dahil sila naman ay pantay at hiwalay na sangay ng pamahalaan, hindi po natin alam lahat yung buong background nung pagdedesisyon nila, sila lang naman po yung nagpapasya, so ginagalang po natin ang kanilang pagpapasya.” Pahayag ni Coloma.
Independence Day
Nagpaliwanag ang Malacañang kung bakit natigil sa panahon ng Pangulong Noynoy Aquino ang pagdalo ng Pangulo sa tradisyunal na pagwagayway ng bandila sa Barasaoain Church sa Malolos Bulacan.
Ayon kay Communications Secretary Sonny Coloma, nais ng Pangulo na mapalawak ang kaalaman ng taongbayan kung paano natin natamo ang ating kalayaan na syang sinisimbolo ng pagwagayway ng bandila.
Ngayong taon, napili ng Pangulo na ipagdiwang ang Araw ng Kalayaan sa Sta. Barbara sa Iloilo kung saan unang itinaas ang bandila at idineklara ang kalayaan ng Pilipinas sa rehiyon ng Visayas.
Matatandaang noong nakaraang taon ay pinili rin ng Pangulo na ipagdiwang ang Araw ng Kalayaan sa Naga City.
“Sa Naga ay mayroong tinatawag na Kinse Martires, na nag-alay ng buhay nila para sa bayan, kaya sa pagdiriwang natin ng Araw ng Kalayaan, ay pinapalawak natin ang kaalaman ng ating mamamayan hinggil sa kung paano natin nakamit ang kalayaan.” Dagdag ni Coloma.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit