Nagpalabas ng video sa social media ang isang grupo na nagpapakilalang miyembro umano ng international terrorist group na ISIS at Abu Sayyaf.
Sa dalawampung minutong video, inilahad ng grupo ang kanilang mga pagbabanta laban sa Pilipinas partikular na kay incoming President Rodrigo Duterte.
Nakasalin ang mensahe sa limang wika tulad ng Pilipino, Arabo, Ingles, Bahasa at Malay na nagdideklara ng digmaan at pananakot sa mga Pilipino.
Isa sa mga nagsalita sa video ang nagsabi pa na huwag magpadala sa mga mapanlinlang na taktika ng bagong halal na pangulo na si Duterte.
Ilang oras pa lamang mula nang i-upload ang video, tuluyan na itong binura at naglaho sa internet.
PNP and AFP
Nanawagan naman ang Pambansang Pulisya sa publiko lalo na sa mga netizens na huwag nang patulan ang bagong video na inilabas ng teroristang grupong ISIS at Abu Sayyaf.
Ayon kay C/Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng PNP, malinaw ang mensahe ng mga nasa video na maghasik ng takot sa publiko kaya’t makabubuting huwag na itong ipasa o burahin na lamang.
Sa panig naman ng Armed Forces of the Phlippines, sinabi ni Brig/Gen. Restituto Padilla na bahagi ang video ng isang hate campaign.
Kasalukuyan na ring tinutukoy ang pagkakakilanlan ng mga nagsalita sa video upang maikasa ang pagtugis at pagpapanagot sa kanila.
By Jaymark Dagala