Inako na ng grupong Islamic State of Iraq and Syria o ISIS ang magkakasunod na pambobomba sa Belgium na ikinasawi na ng halos 40 katao at ikinasugat ng higit 100 iba pa.
Ayon sa ISIS, isinagawa ang pag-atake ng kanilang mga fighter at suicide bomber sa Brussels-Zaventem International Airport at Maalbeek Metro Station.
Ito’y dahil sa partisipasyon ng Belgium sa International Coalition laban sa Islamic State.
Namaril ang mga ISIS fighter sa airport bago magpakamatay gamit ang kanilang mga explosive belt bilang bahagi ng kanilang pagpapaka-martir sa ngalan ng Islam at ni Allah.
Inilunsad ang pag-atake ilang araw matapos maaresto sa Brussels si Salah Abdeslam na utak sa Paris terror attacks sa France, noong Nobyembre.
Samantala, isa pang bomba ang narekober matapos ang magkasunod na pagpapasabog sa Brussels-Zaventem International Airport at Maalbek Metro Station sa Belgium.
Natagpuan ang ikatlong bomba sa loob ng paliparan na agad namang idinetonate.
Ilang kahina-hinalang bagay naman ang narekober ng anti-explosives squad sa Maalbeek Metro at Brussels University.
Gayunman, walang anumang pampasabog na nahanap ang mga awtoridad.
Isinaisalalim na sa pagsusuri ang mga bomb fragment na narekober sa blast site upang mabatid kung kahalintulad ito ng mga ginamit sa pag-atake sa Paris, France noong Nobyembre.
By Drew Nacino