Nasa dalawampung porsyento (20%) pa ng Marawi City ang hawak ng Maute Group.
Ayon kay Lt. General Carlito Galvez, commanding general ng Western Mindanao Command, mula sa syamnaput anim (96) na barangay ng Marawi City, okupado ng Maute ang mga barangay ng Marinaut, Lulut, Mapandi at Bongolo Commercial District.
Inihayag ito ni Galvez matapos ilathala ng Amaq, ang news agency ng Islamic State na two thirds (2/3) ng Marawi City ang kontrolado ng Maute Group at wala umanong kakayahan ang militar ng Pilipinas na kontrolin ang sitwasyon doon.
Binigyang diin ng militar na gumagamit lamang ng propaganda ang ISIS dahil lumiliit na ang mundo nila sa Marawi City sa pagdaan ng mga araw.
Mga nasawi sa 3 linggong labanan sa Marawi umakyat na sa 202
Umakyat na sa dalawandaan at dalawa (202) ang bilang ng nasawi sa tatlong (3) linggong labanan ng militar at Maute Group sa Marawi City.
Ayon kay Brig. General Restituto Padilla, spokesman ng AFP o Armed Forces of the Philippines, limamput walo (58) rito ang sundalo at mga pulis, dalawamput anim (26) ang sibilyan samantalang ang natitirang iba pa ay mga terorista.
Sinabi ni Padilla na narekober nila ang labi ng mayorya sa mga napatay na terorista sa labanan.
By Len Aguirre