May bago nang emir ang ISIS sa Southeast Asia.
Ito’y sa katauhan ng Malaysian terrorist na si Amin Baco.
Ayon kay Philippine National Police o PNP Chief Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, si Baco rin ang tumatayo ngayong lider ng mga natitirang Maute sa Marawi.
Pinalitan ni Baco ang napatay na emir ng ISIS sa Timog Silangang Asya at lider ng Maute na si Isnilon Hapilon.
Ayon kay Dela Rosa nakuha nila ang impormasyong ito mula sa naarestong Indonesian fighter ng Maute na si Mohammad Ilham Syahputra.
Sinabi pa ni Dela Rosa na may posibilidad na nakalabas na ng main battle area sa Marawi si Baco, bagay na kanilang kinukumpirma ngayon.
Si Baco aniya ang isa sa pinakamatagal nang banyagang terorista sa Pilipinas.
Kasamahan siya ni Zulkipli Binhir alyas Marwan na napatay ng SAF 44 sa Mamasapano noong 2015.
AFP
Puspusan pa rin sa paghahanap ang Armed Forces of the Philippines o AFP sa isa pang Malaysian terrorist na kasamang nakipaglaban ng grupong Maute sa tropa ng militar sa Marawi City.
Ayon kay AFP Spokesman Major General Restituto Padilla, mas pina-igting pa nila ngayon ang paghahanap, buhay man o patay sa dayuhang terorista na si Amin Baco.
Batay sa kanilang impormasyon, isa si Baco sa mga nakaligtas sa walang humpay na pambobomba at pagpapaputok na ikinasa ng militar laban sa mga terorista sa kasagsagan ng giyera.
Sinabi pa ni Padilla, malaking pagsubok sa kanila ngayon ang pagsugod sa lugar na pinagkukutaan ng mga natitirang terorista sa lungsod.
“Yan ang kanilang ginagamit ngayon para sa kanilang survival, itong mga lugar na sinasabi natin na dati nilang pinagtataguan at kinikilala nilang safe haven, yan ang nagdudulot ng konting challenge sa atin dahil mahirap pasukin at napaka-delikado kaya ang ginagawa natin ay waiting game, na paunti-unti na sana maubos na ang pagkain nila.” Pahayag ni Padilla
(By Arianne Palma / Balitang Todong Lakas Interview)