Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines o AFP na nagkaroon ng terror cell sa Pilipinas ang ISIS na kinabibilangan ni Russel Salic, ang Pinoy na suspek sa nabigong terror attack sa New York City.
Gayunman, tiniyak ni AFP Chief of Staff General Eduardo Año na matagal na nilang na neutralize ang terror cell nina Salic sa tulong na rin ng mga dayuhang puwersa.
Ayon kay Año, hindi nila isinasantabi ang posibilidad na tangkain uli ng mga terorista na bumuo ng terror cell sa Pilipinas subalit handa aniya rito ang militar.
“Palagi na lang na meron talagang mag-aattempt na magtayo ulit ng terror cells kasi iba ang kanilang ideology or indoctrination, wala na sa kanila ang nationality o country, iisa lang ang kanila caliphate lang, ang kanilang indoctrination ay gagawin nila ang kanilang dapat gawin kahit ikamatay nila. Malaki ang tulong na ibibigay ng religious leaders at mga local government para magabayan ang ating mamamayan, isa lang sisiguraduhin natin, hindi na mangyayari ang Marawi crisis o siege na yan.” Ani Año
Nanawagan si Año sa Kongreso na magpasa ng batas na magagamit nila para mapigilang maulit ang pagtatayo ng terror cell sa Pilipinas.
Tinukoy ni Año ang pagpapalakas sa human security act o pagpasa ng internal security act na kahalintulad sa Australia, Amerika at Singapore.
Sa mga bansang nabanggit aniya ay mahihirapan ang mga terorista na magtayo ng terror cell dahil sa dami ng batas na magagamit laban sa kanila.
“Sa Singapore kaya nilang ikulong at arestuhin ang isang suspek nang hindi bababa sa tatlong taon kahit ito’y walang charges, mas importante sa kanila ang kaligtasan ng karamihan at ng buong community, meron silang special court na naghe-hear tungkol sa terrorism at hindi ito katulad ng ordinaryong korte na ang suspek ay nakakawala agad o nakakapag-bail.” Pahayag ni Año
(Ratsada Balita Interview)