Inihayag ni Lakas-CMD vice presidential bet at Davao City Mayor Inday Sara Duterte na hindi magkakaroon ng Isko-Sara tandem.
Binigyang-diin ni Mayor Sara na buo ang kanyang tiwala at loyalty sa kanyang ka-tandem na si presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.
Aniya, nirerespeto niya ang kagustuhan ng ilan na maging ka-tandem niya si Manila Mayor Isko Moreno ngunit aniya’y hindi niya.
Ang naturang pahayag ni Duterte ay bilang tugon sa plano ng kampo ni Moreno na maka-tandem siya sa darating na 2022 polls.
Aniya, sa kabila ng mga pagsubok at limitasyon, ang preparasyon niya sa kandidatura bilang vice-president ni Marcos ay nananatili aniyang maayos sa tulong ng volunteers at tagasuporta sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ito aniya ang nagbibigay sa kanya ng lakas, katatagan at inspirasyon.
Sinabi pa ni Inday Sara na naniniwala siya sa karanasan sa pamamahala, kahandaan at kakayahan ni BBM sa pamunuan ng bansa.
”Nang nagdesisyon akong tumakbo sa pagka-vice-president, pinili ko pong maging ka-tandem si BBM. Dahil dito, nabuo ang UniTeam BBM-Sara,” ani Inday.
Binigyang-diin pa nito ang walang kapantay na loyalty sa kanya ng Lakas-CMD, gayundin sa Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na Partido ni Marcos.
Nitong Sabado, isang grupo na nagpakilalang IS-SA o Isko-Sara Unity Team ang naglunsad para ilaglag ang ka-tandem ni Isko na si Dr. Willie Ong at hikayatin si Duterte na suportahan si Isko – bagay na tinanggihan ng running-mate ni Marcos.
Sa kabila ng mga pagtatangka para buwagin ang BBM-Sara UniTeam, patuloy ang panawagan ng tambalang Marcos-Duterte sa mamamayang Pilipino ng pagkakaisa upang malampasan ang dinaranas na kahirapan ngayong may pandemya.