Binalaan ni Manila City Mayor at Aksyon Demokratiko presidential candidate Isko Moreno ang publiko kaugnay sa mga maling isyu sa bakuna.
Ayon kay Moreno, hindi dapat pinaniniwalaan basta-basta ang mga taong nagpapakalat ng tsismis na walang bisa at hindi ligtas ang mga bakuna laban sa COVID-19.
Sinabi ni Moreno na dapat ay mas paniwalaan at pagkatiwalaan ang siyensiya, mga ahensya ng gobyerno, international organizations katulad ng World Health Organization (WHO) at ilan pang mga health expert.
Dagdag pa ni Moreno malaking tulong sa pagpapababa sa kaso ng COVID-19 ang pagsuporta ng publiko sa nagpapatuloy na Mass Vaccination Program ng pamahalaang lungsod.
Humingi naman ng pasensya at pang-unawa si Moreno sa lahat ng mga gustong magpabakuna dahil ang ilan sa mga nagbabakuna ay kailangang i-pull out para magsilbi sa mga City-owned hospitals matapos magpositibo ang maraming hospital staff dahilan ng pagkakaroon ng adjustment. —sa panulat ni Angelica Doctolero