Nilinaw ng Department of Interior and Local Government (DILG) na sa mga turista lamang isasara ang isla ng Boracay.
Ayon kay DILG Assistant Secretary Epimaco Densing III, maaari pa rin namang maglabas-masok sa isla ang mga residente doon.
Sinabi ng opisyal na hindi angkop para sa mga turista ang Boracay dahil sa gagawing pagsasaayos ng drainage system doon na mangangahulugang mawawalan pansamantala ng suplay ng tubig ang Boracay.
Maliban dito, ipagbabawal din ang paglangoy sa Boracay habang sumasailalim ito sa rehabilitasyon.
“Baka po sasabihin namin sa Boracay Water na nagva-violate ng Clean Water Act na hindi na sila mag-supply ng tubig sa mga resort, so mawawalan ng tubig sa isla, ang sasabihin lang namin sa kanila is magbigay ng tubig sa mga residente, at isa rin sa mga recommendation natin ay hindi ipagagamit ang beach so kung pupunta ka doon hindi ka rin makakapag-swimming sa beach.” Ani Densing
Tiniyak naman ni Densing na gagawin ng pamahalaan ang lahat ng kanilang makakaya para maisaayos ang isla sa lalong madaling panahon.
“Gusto nating mapabilis ang rehabilitation, although may recommendation tayo na 6 months ayaw din nating paabutin ng 6 months kasi mas maagang magbukas siya sa mga turista, the better.” Pahayag ni Densing
Samantala, tiniyak ng pamahalaan na kanilang tinututukan ang mga maaapektuhang kabuhayan ng panukalang pagpapasara sa isla ng Boracay.
Ayon kay Densing, tatlong ahensya ng pamahalaan ang magtutulungan para magbigay ng mga pansamantalang programa sa mga manggagawa at mga maliliit na negosyanteng tatamaan ng Boracay shutdown.
Sinabi ni Densing na may nakalaang emergency work program ang Department of Labor and Employment habang may cash for work program at Pantawid Pamilyang Pilipino Program naman ang Department of Social Welfare and Development.
Maliban dito, may alok naman na loan program aniya ang Department of Trade and Industry para makapagsimula ng iba at pansamantalang kabuhayan ang mga taga-Boracay.
Sa huli, humiling ng pang-unawa si Densing sa mga kabuhayang maapektuhan ng plano ng pamahalaan na pagpapasara sa isla.
(Ratsada Balita Interview)