Napasok na ng gobyerno ang ilang lugar sa Lope de Vega, Northern Samar na na-isolate dahil sa bagyong Usman.
Sa pamamagitan ng helicopter, narating na ng mga rescuer ang labing lima (15) mula sa dalawampu’t dalawang (22) barangay sa naturang bayan na hindi mapuntahan dahil sa landslides sa daan.
Dala ng mga ito ang relief goods para sa tinatayang nasa labing limang libong (15,000) residente na apektado ng baha at pagguho ng lupa.
Umapela naman si Lope de Vega Mayor Ana Palloc sa national government na pagkalooban sila ng ligtas at permanenteng evacuation centers.
Aniya, noong kasagsagaan ng ulan ay binaha ang paaralan na nagsisilbing evacuation centers kaya umakyat naman sa bundok ang mga tao kung saan inabot naman sila ng landslide.
Areas under state of calamity
Samantala, nadagdagan pa ang mga lugar na isinailalim sa state of calamity dahil sa bagyong Usman.
Inilagay na sa state of calamity ang walong (8) bayan sa Oriental Mindoro dahil sa labis na pinsalang dulot ng bagyong Usman.
Kabilang dito ang bayan ng Vaco, Naujan, Soccoro, Pinamalayan, Bansud, Pola, Bongabong at syudad ng Calapan.
Tinatayang nasa isandaan at limang (105) milyong piso na ang inisyal na pinsalang iniwan ng bagyo sa lalawigan palamang ng Oriental Mindoro.
Una nang inilagay sa state of calamity ang probinsya ng Bicol at Camarines Norte.
—-