Magbibigay ng ika-apat na dose ng COVID-19 vaccine ang isang Israeli Hospital sa 150 nitong staff bilang trial upang makita kung gaano ka-epektibo ang pagtuturok ng dalawang booster.
Ito’y sa gitna ng banta ng mas nakahahawang COVID-19 Omicron variant.
Ayon sa Sheba Medical Center, magbibigay-linaw ang trial na kanilang gagawin hinggil sa pagiging epektibo ng fourth dose at upang matulungan ang decision-makers na magtakda ng health policy sa Israel at iba pang bansa.
Nakapagtala na ang Israel ng 1,118 confirmed cases ng Omicron variant, kung saan dumodoble pa ito kada dalawang araw.
Nirekomenda ng Health Ministry ang pagbibigay ng fourth dose ng Pfizer Biontech vaccine sa mga Israeli na nasa edad 60 pataas na nakatanggap na ng booster shot sa nakalipas na apat na buwan. —sa panulat ni Drew Nacino