Kinumpirma ng Meralco na pumalya ang loadside facility ng NAIA – terminal 3 na nagresulta sa power outage noong Biyernes ng gabi.
Nilinaw ni Meralco vice president at corporate communications head Joe Zaldarriaga na wala naman sa kanila ang problema dahil maayos na gumagana ang kanilang pasilidad sa airport.
Ayon kay Zaldarriaga, naibalik ang kuryente sa terminal 3 dakong ala-6 ng umaga noong Sabado.
Umalalay anya ang Meralco habang inaayos ng mga airport engineer ang nakitang problema sa kanilang pasilidad.
Samantala, inihayag ni Cebu pacific director for corporate communications Carmina Romero na balik-normal na ang kanilang operasyon matapos ang blackout.
Apat na domestic at international flights ng CebuPac ang kinansela makaraan ang outage at kabilang sa 16 na international at 15 domestic flights na naapektuhan ng power interruption.