Bagong modus ng Abu Sayyaf Group ang istilo ng pagpapasabog sa Patikul, Sulu noong Martes.
Ayon ito kay Lt. Gen. Cirilito Sobejana, commander ng Western Mindanao Command na pagpapakita aniya ng kakayahan ng grupong maghasik ng karahasan kahit humihina na ang puwersa ng mga ito.
Sinabi ni Sobejana na sa bagong modus ng mga bandido, magsasagawa muna ng roadside bombing ang mga ito at kapag nasa area na ang rumespondeng tropa ng gobyerno para magsagawa ng clearing operations, saka naman magkakasa ng ikalawang pagsabog ang mga ito.
Tinukoy ni Sobejana ang grupo ni ASG Leader Hatib Hajan Sawadjaan na nasa likod ng pag atake at pagpapasabog noong Martes.
Samantala, tukoy na ng Bangsamoro Police ang uri ng bombang ginamit sa nasabing pagsabog sa Sitio Tibongbong.
Ito anila ay ang pipe bomb na kapareho ng bombang ginamit din sa Jolo Cathedral Bombing.