Kailangang magdoble ingat ngayon ng publiko lalo pa’t may pumasok nang Delta variant ng COVID 19 na mas mapaminsala at mas nakahahawa.
Ito ang binigyang diin ni Philippine National Police o PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar kasunod ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na kailangan pa ring isuot ang face shield sa loob at labas ng mga establisyemento at pampublikong transportasyon.
Ayon kay Eleazar, batay sa pagtaya ng mga eksperto ay hindi biro ang Delta variant na unang nadiskubre sa India at kinumpirma ng Department of Health o DOH na ganap na ngang nakapasok ito sa bansa.
Kaya naman nakiusap ang PNP Chief sa publiko na sundin ang minimum health and saftey protocols dahil ito aniya’y para sa kaligtasan naman din ng lahat.
Pinaalalahanan pa ni Eleazar ang mga Pulis na magsilbing halimbawa sa publiko ng pagsunod sa batas at binilinang huwag gagamitan ng dahas ang paninita sa mga lalabag.
Hangga’t maaari aniya, tulad ng sa face mask ay bigyan ng face shield ang mga mahuhuling walang suot nito.