Itinanggi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III ang ulat na ibinibigay sa mga manggagawang dayuhan sa bansa ang mga trabahong dapat ay para sa mga Filipino.
Ito ang tiniyak ni Bello sa kabila ng issue kaugnay sa patuloy umanong pagdagsa ng mga Chinese worker sa Pilipinas.
Ayon sa kalihim, sa katunayan ay bumuo na ang gobyerno ng inter-agency body na tututok sa issue gaya ng online gambling industry na nakaakit na sa libu-libong Chinese worker at dahilan ng pagsipa ng presyo ng real estate properties sa ilang bahagi ng Metro Manila.
Gayunman, aminado si Bello na mayroong partikular na mga trabahong ibinibigay sa mga Tsino tulad sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) kung saan kailangang bihasa sa Chinese language na hindi naman mother tongue ng mga Pinoy.
Basic requirement din aniya ang issuance ng alien employment permits na ibinibigay sa isang dayuhan kung magkakaroon ito ng trabaho o serbisyong hindi kayang gawin ng mga Filipino.
Batay sa datos ng Bureau of Immigration (BI) at DOLE, umabot na sa halos 23,000 Tsino sa bansa ang mayroong working visa, noong isang taon.