Posibleng buksan ni Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping ang usapin sa nangyaring pagbangga at pag-abandona ng isang Chinese vessel sa bangkang pangisda ng mga pilipino sa Recto Bank noong Hunyo.
Ito ang inihayag ng Malakanyang kasunod ng pagkumpirma sa planong pagtungo ng pangulo sa China kasabay din ng panonood ng laban koponan ng Pilipinas sa Fiba World Cup.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, bagama’t isinasaayos pa ang detalye ng biyahe ng pangulo sa China, inaasahan nang matatalakay sa pulong ng dalawang lider ang lahat ng mga usapin na kapwa kinahaharap ng dalawang bansa.
Kabilang na aniya rito ang usapin ng kalakalan, people to people relationship, cultural exchange, tulong na ibinibigay ng China sa Pilipinas gayundin ang insidente ng Recto Bank at paghahain ng protesta ng bansa dahil dito.
Samantala, sinabi ni Panelo na wala pang binabanggit sa kanila ang Department of Foreign Affairs kung sumagot na ang China sa inihaing diplomatic protest ng Pilipinas.