Wala sa sampung ASEAN leaders ang nag-ungkat sa katatapos na leaders summit sa ginagawang militarisasyon at reclamation ng China sa South China Sea.
Ito’y kahit na may inilabas nang desisyon ang permanent court of arbitration na nagsasabing saklaw ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas ang ilang bahagi ng South China Sea.
Ayon kay Foreign Affairs Executive Director Zaldy Patron, ito ang dahilan kaya’t hindi naisama sa ipinalabas na chairman’s statement ni Pangulong Rodrigo Duterte ang usapin sa pangangamkam ng China.
Paliwanag ni Patron, nais ng ASEAN leaders na magkaroon muna ng mas malalim na pagninilay at diskusyon sa issue.
Iginiit ni Patron na noong nakaraang taon ay walang naging consensus ang ASEAN leaders kung kaya’t walang mapagbabatayan ang mga ito ngayong taon sa usapin ng gusot sa mga pinagtatalunang teritoryo sa South China Sea.
Maging ang Malaysia at Vietnam na mayroon ding claim sa South China Sea ay hindi naglakas loob na buksan ang issue sa halip ay sumentro ang usapin ng ASEAN leaders sa pagbuo ng framework ng code of conduct sa pinag-aagawang karagatan.
By: Drew Nacino / Aileen Taliping