Handa na si Pangulong Rodrigo Duterte na pangunahan ang National Security Council meeting ngayong araw.
Pag-uusapan sa naturang pagpupulong ang magiging susunod na pagkilos ng bansa kasunod nang naging pagpabor ng Permanent Court of Arbitration sa claim ng Pilipinas sa bahagi ng West Philippine Sea.
Alinsunod na rin ito sa naging panukala ni dating Pangulong Fidel Ramos na hinirang bilang Special Envoy to China na dapat na mag-convene muna ang National Security Council bago simulan ang pakikipagnegosasyon sa China.
Bukod sa Pangulo, inaasahang dadalo dito ang may 35 mga lider na miyembro ng council mula sa ehekutibo at lehislatura.
Itinakda ang magiging pagpupulong mamayang alas-3:00 ng hapon.
Yasay-Kerry meeting
Inaasahang tatalakayin naman sa pulong nina Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay at US State Secretary John Kerry ang issue ng territorial dispute sa West Philippine Sea, ngayong araw.
Kabilang din sa pulong ang opening statements ng Philippine-US bilateral meeting at isang press conference matapos ang pag-uusap nina Yasay at Kerry.
Makakaharap naman ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang ang US official mamayang tanghali upang talakayin ang pagpapalakas sa ugnayan ng Pilipinas at Amerika.
Kagabi ay dumating sa bansa si Kerry na layuning buksan at pag-usapan ang issue sa Spratly Islands matapos maglabas ng ruling ang International Tribunal pabor sa Pilipinas.
By Rianne Briones | Drew Nacino