Inihayag ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) na magsasampa ito ng reklamo laban sa isang review center sa Zambales makaraang gumamit ng mga pangalang may ibang kahulugan o double meaning sa kanilang mga learning modules.
Sa isinagawang pagdinig sa senado hinggil sa panukalang budget ng ahensya, tinanong ni Senador Joel Villanueva ang DepEd kung papaano nito isinasagawa ang monitoring sa kalidad ng mga self-learning modules sa bansa.
Nabatid kasi ni Villanueva na may isang post online na pumukaw sa atensyon ng netizens dahil sa mga pangalang ginamit sa module na tila’y bastos o mahahalay ang ibig-sabihin.
Depensa rito ni Education Secretary Leonor Briones, gumugulong na ang imbestigasyon sa naturang isyu at iginiit din nito na hindi nanggaling sa ahensya ang learning material, sa halip ay nagmula ito sa isang review center sa Zambales.
Sa huli iginiit ng DepEd, na ang mga learning modules na lumalabas online ay hindi nanggaling sa ahensya.