Maaaring magpalabas ng nagkakaisang opinyon ang Senado sa plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil na ang Visiting Forces Agreement (VFA).
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, maaari nilang pag-usapan ang isyu sa isang caucus o public hearing para na rin malaman ang opinyon ng bawat Senador.
Saka naman aniya sila magpapalabas ng tinatawag na sense of the senate o isang resolusyon hinggil sa planong termination ng VFA.
Gayunman, aminado si Sotto na walang magiging impluwensiya ang kanilang ipalalabas na opinyon dahil hindi nila maaaring panghimasukan ang kapangyarihan ng ehekutibo na ipawalang bisa ang anumang pinasok na kasunduan.
Iginiit ni Sotto, ang mahalaga na lamang aniya ay malaman ng publiko ang pananaw at panindigan ng mga Senador sa usapin ng termination ng VFA. — ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)