Itinanggi ni Department of Labor and Employment (DOLE) secretary Silvestre Bello, III na may nagaganap na paniningil ng “medical bond” sa mga hindi bakunadong job applicant.
Ayon kay Bello, hindi sila naniningil ng medical bond sa mga aplikanteng unvaccinated na sinasabing galing umano sa Inter-Agency Task Force (IATF) at DOLE na sinasabing pirmado pa ng ilang government officials.
Sinabi ni Bello na mali ang pirma at iligal ang nasabing paniningil dahil walang tinatawag na “medical bond” sa kanilang ahensya.
Dagdag pa ni Bello na walang dapat na babayaran na kahit anong employment process ang mga aplikante at labas ang kanilang ahensya sa naturang isyu.
Nilinaw naman ni Bello na karapatan ng mga employer na mamili ng mga aplikanteng fully-vaccinated pero hindi nila puwedeng pilitin ang mga empleyado na magpabakuna o tanggalin sa trabaho dahil wala ring batas na nagmamandato sa pagbabakuna.
Gayunpaman, maari namang hingan ng negatibong RT-PCR test result ang unvaccinated workers para makabalik sa kanilang trabaho base narin sa IATF guidelines. —sa panulat ni Angelica Doctolero