Mas pabor si Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno na hindi pulitiko o dating pulitiko ang italagang kapalit niya bilang Budget secretary.
Ito ang inihayag ni Diokno sa gitna ng issue na posibleng si House Speaker at dating Pangulong Gloria Arroyo ang italagang kapalit niya sa Department of Budget and Management (DBM).
Gayunman, nilinaw ng BSP governor na ispekulasyon lamang ito.
Katulad aniya ng appointment ng isang central bank governor ang pagtatalaga ng isang Budget secretary.
Samantala, inihayag naman ni Diokno na hindi na niya kailangang dumaan sa Commission on Appointments (CA).
Pormal nang nanumpa si Diokno bilang bagong BSP Governor.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang oath-taking ni Diokno sa Malacañang kagabi.
Sinaksihan ng maybahay at anak ni Diokno ang kanyang panunumpa para sa kanyang bagong tungkulin.
Samantala, pagkatapos nito ay tinanggap naman ni Pangulong Duterte ang isa sa mga miyemrbo ng Bahrain royal family.
Hindi naman inilabas ng Malacañang ang naging detalye ng meeting ng Pangulo at ni Sheikh Khalid, anak ni King Hamad Bin Isa Al Khalifa at siyang first deputy president ng Bahrain Supreme Council for Youth and Sports.
—-