(This is a developing story. Please refresh page for updates.)
Nakapagtala ng aabot sa walong (8) aftershocks ang PHIVOLCS matapos ang pagtama ng pangalawang lindol sa Itbayat, Batanes na may magnitude 5.9 kaninang pasaso 7:30 ng umaga.
Pinakamalakas dito ang magnitude 5.8 na aftershock na naitala kaninang 9:24.
Ayon sa PHIVOLCS, tectonic ang pinagmulan nito at may lalim na limang kilometro.
Naramdaman naman ang intensity IV sa Basco bunsod ng nabanggit na aftershock.
Muli na namang niyanig ng magnitude 5.4 na lindol ang bayan ng Itbayat sa Batanes, dakong 9:24 ngayong umaga.
Naitala ng PHIVOLCS ang episentro ng lindol sa layong 72-kilometers hilang-silangan ng Itbayat, Batanes.
May lalim itong limang kilometro.
Naramdaman ang intensity IV ng lindol sa Basco, Batanes.
Sa panulat ni Kimberlie Montano
Itbayat, muling niyanig ng M5.9 lindol (7:38AM)
Muling niyanig ng magnitude 5.9 na lindol ang Itbayat, Batanes kaninang 7:38 ng umaga.
Tatlong oras lamang ito matapos tumama ang naunang magnitude 5.4 na lindol kaninang 4:16 ng madaling araw.
Ayon sa PHIVOLCS, naitala ang sentro ng lindol sa layong 19-kilometro kanluran ng Itbayat.
May lalim itong 43-kilometro at tectonic ang pinagmulan.
Naramdaman ang intensity IV sa bahagi ng Basco, Batanes.
Inaasahan naman ng PHIVOLCS ang mga aftershocks at posibilidad na magresulta sa pagkasira ng mga ari-arian.
8 patay sa lindol sa Itbayat, Batanes
Walo (8) ang nasawi habang hindi bababa sa 60 ang sugatan sa pagtama ng magnitude 5.4 na lindol sa Itbayat, Batanes.
Ayon kay Batanes Provincial Disaster Risk Reduction and Management officer Roldan Esdicul, pawang mga nabagsakan ng gumuhong pader ng lumang bahay na gawa sa limestone ang mga nasawi.
Aniya, natutulog ang mga biktima sa loob ng nabanggit na bahay nang mangyari ang pagyanig.
Sinabi pa ni Esdicul, ilang mga sugatan ang kinailangang ibiyahe sa Basco sa isla ng Batan dahil hindi kumpleto ang kagamitan sa ospital sa Itbayat.
Bukod sa ilang mga kabahayan, nagresulta rin ang lindol ng pagkawasak sa makasaysayang simbahan ng Itbayat.
Itbayan, Batanes niyanig ng M5.4 na lindol
Niyanig ng magnitude 5.4 na lindol ang bayan ng Itbayat sa Batanes kaninang 4:16 ng umaga.
Naitala ng PHIVOLCS ang episentro ng lindol sa layong 12-kilometro hilagang-silangan ng Itbayan, Batanes at may lalim na 12-kilometro.
Naramdaman ang Intensity VI sa Itbayat at Intensity III sa Basco at Sabtang, Batanes.
Sa panulat ni Kimberlie Montano