Pinalikas na ng Itbayat Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ang mga naninirahan sa ilang kabahayan partikular sa Barangay San Rafael na nanganganib gumuho sakaling bumuhos ang malakas na ulang dala ng bagyong Hanna.
Kasunod na rin ito ng naging babala ng Mines and Geosciences Bureau sa posibilidad ng landslide sa lugar makaraang makitaan ng ilang bitak sa lupa dahil sa pagtama ng magkasunod na malakas na lindol sa Itbayat.
Bahagi rin ng ginagawang paghahanda ng lokal na pamahalaan ng Itbayat ang planong paglipat sa tatlong gusali ng Itbayat Central School ng 90 pamilyang naapektuhan ng lindol at pansamantalang nanatili sa mga tent.
Habang ililipat naman sa isa pang ginagawang gusali ang mga pasyente ng napinsalang Itbayat District Hospital na nasa tent din.
Puspusan na rin ang ginagawang pamamamahagi ng mga relief goods sa mga naging biktima ng lindol.