Nanawagan ang grupong Liga ng Transportasyon at mga Operators sa Pilipinas o LTOP kay Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin ang kapangyarihan nito para huwag nang ipatupad ang umiiral na Oil Deregulation Law.
Ito’y kasunod ng inaasahang pagtaas ng singil sa pasahe sa mga pampublikong sasakyan bunsod ng labis na pagmahal ng presyo ng langis dulot ng epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.
Ayon kay LTOP President Orlando Marquez, tila hindi aniya patas na tanging ang mga kumpaniya ng langis lamang ang may kalayaang magtaas ng presyo sa kanilang mga produkto gayung ang labis aniyang tinatamaan ay ang mga tsuper at operator ng mga pampublikong sasakyan tulad ng jeepney, bus at iba pa.
“Kapag silang magtaas, walang pakundangan, walang pasa-pasabi sa gobyerno kung gusto nilang itaas, pero kami kung gusto namin ng taas sa pasahe ay dadaan kami sa katakot-takot na hearing, minsan nagboboluntaryo pa kami ng pagbaba sa pasahe, pero kapag tumaas at ibinalik na ang dating presyo (ng langis) at gusto naming baguhin ay hindi namin magawa dahil dadaan na naman kami sa katakot-takot na paperwork.” Ani Marquez
Dapat din aniyang papanagutin dito ang lahat ng mga mambabatas na nagpasa ng batas hinggil sa oil deregulation law dahil sila lang ang lubos na nasisiyahan at nakikinabang sa kitang ibinibigay sa kanila ng ganitong Sistema.
“Bakit itong mga petroleum products na negosyo ng imported na sinasabi natin na ni-negosyo ng mga kamag-anak ng mga nagpasa ng batas, ang mga may-ari ng gasolinahan, ng mga tindahan ng mga sasakyan kung hindi kamag-anak ng senador ay kamag-anak yan ng congressman eh, eh di sana lahat ng mahirap ngayon ay mayaman na kung lahat ng ipinangako nila noong eleksyon na pagagandahin ang buhay ng mga mahihirap, hindi eh.” Pahayag ni Marquez
(Todong Nationwide Talakayan Interview)