Kumakalat ngayon sa social media ang #StopKillingLumads, ito ay isang paraan ng mga progresibong grupo at mga concerned citizen na ipanawagan ang pagtigil sa ginagawang pang-aabuso sa mga katutubo sa Mindanao.
Nag-ugat ang panawagan matapos mapaulat ang sunod-sunod umanong pagpaslang sa mga lider ng mga katutubong lumad sa Surigao del Sur, na kinilalang sina Emerito Samarca, Bello Sinzo at Dionel Campos.
At ang itinuturong mga salarin dito ay ang pinaghinalaang mga para-military troopers na tinawag nilang Magahat/Bagani Group.
At ayon sa mga naninirahan doon at maging mga sumusuporta sa Lumad na kagagawan umano ito ng militar upang tuluyang walisin at palayasin sa lugar ang mga katutubo para paboran ang mga banyagang korporasyon.
Kaya naman hinimok ng mga progresibong grupo na simulan agad ang imbestigasyon sa mga nagaganap na patayan at militarisasyon sa lugar.
Pero nauna nang pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines na meron silang kinalaman sa aksiyon ng sinasabing para-militay group na ito.
Aba’y sandali lamang, hindi magrereklamo itong mga “lumad” kung walang ginawang karahasan ang mga armadong grupo doon.
Pero malinaw na hinaharas at pinapatay ng mga ika nga mga armed groups itong mga lider ng lumad, upang tuluyan nang walang magiging balakid sa kanilang planong paboran ang mga kapitalista.
Naku, huwag na ho nating paabutin pang maghurementado itong mga lumad na nanahimik lamang sa kanilang lugar diyan sa Mindanao.
Tandaan natin, itong mga minority group tulad ng mga lumad ay matagal nang isinatabi ng ating gobyerno at sila itong salat sa pagkalinga ng pamahalaan.
Pero, ang masaklap dito, sila na nga ang dehado, sila pa ngayon ang inaabuso ng mga walang kaluluwang indibidwal.
Kaya marapat lamang na tugunan ang panawagan ng mga lumad na magsagawa ng imbestigasyon, at kung maari ay disarmahan ang sinasabing mga private armed groups.
Bukod diyan, ay dapat paharapin sa husgado ang mga taong nasa likod ng pagkitil sa buhay ng mga inosenteng mga lider ng mga katutubo.
Hindi pa ba tayo natuto sa mga nangyari sa kasaysayan, na ang ugat ng pagrerebelde ng ating mga kababayan, ay dahil patuloy ang pagaalipusta at pagmamalupit sa mga tulad nila, at marapat lamang nilang ipagtanggol ang kanilang sarili upang maproteksiyunan lamang nila ang kanilang mga teritoryo.