Kinaaaliwan sa social media ang isang food delivery rider mula sa Rizal.
Ito ay dahil saanman siya magpunta—sa kalsada, sa mall, at maging sa restaurants—laging nakasunod sa kanya ang isang itik!
Ayon sa rider na si Christian Lacson, naisip niyang mag-alaga ng itik matapos masawi sa pag-ibig.
Sa halagang P30, nabili niya ang noo’y two months old na si Kwak-kwak. Mula noon, itinuon na ni Christian ang kanyang atensyon sa pag-aaruga sa kanyang itik.
Kahit saan magpunta, laging sinasama ni Christian ang kanyang best friend, maging sa pag-pick up ng order sa restaurant. At kagaya ng delivery rider, nakasuot din ng uniform si Kwak-kwak!
Mayroon ding sariling basket ang itik na nakakabit sa motorsiklo ni Christian kaya nakakasama niya ito sa kanyang mga biyahe.
Patunay ang samahan nina Christian at Kwak-kwak na walang pinipiling anyo ang tunay na pagkakaibigan. Sa panahon ng kalungkutan, natagpuan nila ang saya at pagmamahal sa piling ng isa’t isa.