Nabunyag na may kinakaharap na kaso sa Office of the Ombudsman ang itinalagang Officer in Charge o OIC ng Commission on Elections o COMELEC.
Ayon kay dating Congressman Glenn Chong, kinasuhan niya si COMELEC OIC Christian Robert Lim ng graft and corruption at gross misconduct leading to impeachment.
Nag-ugat anya ito sa pribadong negosasyon na ginawa ni Lim sa multi-milyong pisong kontrata ng COMELEC sa Smartmatic.
Bagamat nakatakda aniyang mag-retiro si Lim sa Pebrero ng susunod na taon, patuloy pa rin aniya niyang isusulong na mapanagot ito sa kaso.
“Mabigat yung kasalanan niya eh nakipag-private negotiation siya sa Smartmatic doon sa P240-million contract, hindi dapat private negotiation sabi yan ng Supreme Court, ang complaint ko kasi laban sa kanya is base sa kaso ng Pabillo vs. Comelec and Smartmatic tsaka IBP vs. Comelec and Smartmatic, sinabi ng Korte Suprema na ang ginawa ni acting Chairman Christian Robert Lim ngayon noong 2015 ay labag sa batas dahil nakipag-private negotiation siya sa Smartmatic.” Ani Chong
Sinabi ni Chong na patuloy na makukuwestyon ang kredibilidad ng eleksyon sa kabila ng pag-alis na ni dating COMELEC Chairman Andy Bautista sa komisyon.
Ito aniya ay kung patuloy pa ring gagamitin ng COMELEC sa eleksyon ang Smartmatic.
Ayon kay Chong, mula pa 2013 ay nakapagsampa na sya ng apat hanggang limang kaso laban sa Smartmatic subalit hindi pa ito inaaksyunan ng Korte Suprema.
“Lahat naman ng ginagawa ng Comelec ngayon all points to that direction, Smartmatic pa rin ang gagamitin sa 2019, kung open talaga ang bidding process, yung procurement natin, at sasali ang iba, atleast may chance na magkaroon ng more credible election, kasi ang Smartmatic ang problema sa kanila, hindi nila sinusunod ang batas, like for example nung nangyari noong 2016, kinalikot nila ang transparency server sa kasagsagan ng bilangan ng boto, panong hindi ka magdududa?” Pahayag ni Chong
(Balitang Todong Lakas Interview)